Pinag-iingat ang mga kababaihan sa Maynila, lalo na sa España dahil sa isang rider ng motorsiklo na may kakaibang hilig— ang hipuan sa maselang bahagi ng katawan ang mga babaeng nakukursunadahan sa kalsada.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing binansagan ang rider na nakunan sa closed-circuit-television camera na "Manyakis Rider Black."

Ayon sa opisyal ng barangay 460 zone 45, walang ibang ginagawa sa biktima ang manyakis umanong rider kung hindi hawakan ang maselang bahagi ng katawan ng babae.

Sa isang kuha sa CCTV, nakita ang salarin na naka-helmet, naka-jacket na itim at wala umanong plaka ang motorsiklo.

Sa isang pag-atake ng rider noong May 30, makikita kung paano nito hinawakan sa dibdib ang babaeng estudyante na naglalakad sa gilid ng kalsada.

Ayon sa biktimang itinago sa pangalang "Ana", kagagaling lang niya noon sa eskwela at naglalakad sa may kanto ng Extremadura nang hipuan siya ng rider.

Napasigaw na lang si Ana habang agad namang umalis ang suspek.

"Akala ko po magpa-park lang siya. Nagulat na lang po ako, na-shock po ako nang pagkahawak niya sa upper chest ko," kuwento ng dalaga.

Ayon sa baranggay, may iba pang nabiktima sa lugar ang rider.

Sa isang insidente, bumaba raw ng motosiklo ang suspek at sinalubong ang biktima at saka hinawakan din sa maselang bahagi ng katawan.

Nakaalerto na ngayon ang mga tanod at atuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng salarin. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News