Matapos maging viral sa social media nitong Miyerkules ang ulat na nais ni Senador Cynthia Villar na ipatigil ang unlimited rice promo sa mga kainan, nilinaw ng mambabatas nitong Huwebes na wala siyang intensyon na maghain ng panukalang batas na ipagbawal ito.
“I am not planning to make a law banning ‘unli rice,’ not at all. I just voiced out my concern that eating too much rice is one of the main causes of high blood sugar that leads to diabetes,” saad ni Villar sa isang pahayag.
“But, of course, I cannot prevent people from eating unlimited amount of rice. It is their choice. It was just a genuine expression of concern on my part,” dagdag ng senadora na pinuno ng Senate agriculture committee.
Ayon kay Villar, mahirap pigilan ang mga Pinoy sa pagkain ng pangunahing kanin, na pangunahing pagkain sa bansa. Gayunman, binigyan-diin niya na hindi mabuti sa kalusugan ang sobrang konsumo nito kaya makabubuting bawasan.
Aniya, ang pagkain ng isang plato ng kanin bawat araw ay nakapagpapataas ng peligro na magkaroon ng diabetes ng 11 porsiyento.
Nitong Martes, nagsagawa ng pagdinig ang komite ni Villar tungkol sa pag-aangkat ng pamahalaan ng bigas, pati na ang produksyon at pagkonsumo.
Sa naturang pagdinig, sinabi ni Villar sa mga dumalo sa pagtitipon na dapat ipagbawal ang mga promo sa mga kainan na nag-aalok ng unlimited rice sa mga kostumer, at sa halip ay iminungkahi niya na dapat damihan ang pagkain ng gulay.
Maliban sa makabubuti sa kalusugan ang pagtapyas sa konsumo ng kanin, makatutulong din umano para makamit ng pamahalaan ang rice self-sufficiency target.
“Ipagbawal na yang unlimited rice, masama 'yan. Pagbawal na natin 'yang unlimited rice kasi nagkakasakit tayo gawa ng unlimited rice na 'yan. We should learn how to eat vegetables,” saad ng mambabatas.
Dumalo sa naturang pagdinig ang kinatawan mula sa Department of Agriculture, National Food Authority (NFA), at si Cabinet Secretary Leoncio “Jun” Evasco, chair ng NFA council.
Hinikayat din niya ang pagkain ng brown rice na mas maganda umano sa kalusugan.
“We should not encourage well-milled rice. Kung puwedeng brown rice, brown rice na lang. Kasi pag kinain mo, mabigat sa tiyan, konti lang nakakain mo,” paliwanag niya.
Nitong Miyerkules, Top 5 trending topics sa Twitter si Villar dahil sa naturang usapin ng "unli rice" promo. -- FRJ, GMA News
