Ginahasa muna ng kanyang katiwala ang isang ina bago siya patayin at ang kanyang anak na lalaki sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Malayantoc, Santo Domingo, Nueva Ecija noong Sabado.

Kinilala ang mga biktima na sina Jonalyn Bartolome-Garanta, 29 at anak niyang si Xian Raine Garanta, 3.

Nakaligtas naman ang walong-taong-gulang na anak ng biktima na siyang nagturo sa 23-anyos na suspek na si Placido T. Villanueva alyas Jimmy, tubong Santiago, Isabela, na agad ding naaresto ng mga awtoridad.

Naganap ang malagim na krimen bandang 7:45 a.m.

Nabatid na si Jonalyn ay anak ng kapitan ng barangay na si Florentino Bartolome.

Si Bartolome mismo ang nakatuklas sa bangkay ng kanyang anak at apo sa bahay ng mga ito.

Ayon sa pulisya, nakita pa ng kapitan ang kanyang walong-taong-gulang na apo na tulalang naglalakad at duguan ang katawan.

Agad dinala sa pagamutan ang bata.

Nakapiit na ang suspek sa Santo Domingo Police Station.

Nahaharap si Villanueva sa kasong rape with two counts of homicide and physical injuries.

Kakasuhan din ng robbery ang suspek dahil sa hinala ng pulisya na nagnakaw din ito. —Jamil Joseph Santos/ALG, GMA News