Tuloy pa rin ang diwa ng Pasko para sa mga Pinoy abroad, na dumalo ng unang araw ng Simbang Gabi sa Croatia at sa The Hague, Netherlands.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, makikitang napuno ng mga Pilipinong Katoliko ang isang simbahan sa Zagreb, Croatia para sa Misa.

Ito ang unang pagkakataon na nagdaos doon ng Simbang Gabi, kaya hindi pinalampas ng mga Pinoy na dumalo sa kabila ng lamig ng panahon at marami sa kanila ang may trabaho pa.

Pinangunahan ni Reverend Father Andrew Bayal ang Misa, na nagpasalamat sa simbahan sa pagsuporta sa tradisyon ng mga Pinoy.

Sa The Hague naman, nagkita-kita ang ilang Pinoy mula sa iba't ibang lugar sa Europa para sa isang Christmas Gala. -- Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News