Nahagip sa ilang video footage ang bahagi ng malagim na pamamaril ng mag-amang suspek habang idinadaos ang Jewish holiday celebration na Hanukkah sa Bondi Beach sa Sydney Australia. Nasawi ang 16 katao, kabilang ang isang suspek, habang mahigit 40 pa ang sugatan sa loob lamang ng wala pang sampung minuto.

Sa isang video mula kay Kobi Farkash, na mapanonood din sa GMA Integrated Newsfeed, makikita ang kasiyahan ng mga tao noong hapon ng December 14 bago mangyari ang pamamaril.

Ngunit ilang saglit lang, nabulabog na sila matapos ang magkakasunod na putok ng baril.

Sa isa pang footage, 6:40 p.m. nang makipagbuno ang dalawang lalaki sa gilid ng kalsada.

Kinilala ang nakasuot ng lavender na si Boris Furman, na kasama ang asawang si Sofia. Pareho silang namatay nang tangkain nilang pigilan ang gunman.

Dakong 6:42 p.m. naman nang makunang umaakyat sa tulay ang mag-amang gunman at pinaputok ang mga dala nilang high-powered rifles.

Habang nagtatakbuhan ang mga tao, bumaba mula sa tulay ang nakatatandang gunman at doon naman nang-asinta ng kaniyang mga biktima.

Bandang 6:43 p.m. nang matapang na lumapit mula sa likuran ng gunman ang isang sibilyan at inagaw niya ang baril mula sa salarin. Umatras ang shooter ngunit hinabol at binato pa siya ng isa pang sibilyan.

Kinilala ang umagaw ng baril mula sa shooter na Syrian-born fruit shop owner na si Ahmed al Ahmed, habang si Reuven Morrison naman ang humabol sa shooter.

Sa kasawiang-palad, nabaril ng nakababatang gunman si Morrison, at bigong makaligtas mula sa mga tinamo niyang sugat.

Habang nagaganap ang mga ito, patuloy ang palitan ng putok sa pagitan ng pulisya at nakababatang shooter.

Nakabalik din sa tulay ang kaniyang ama at kumuha ng isa pang baril, ngunit nabaril na siya ng mga pulis bago pa siya makapagpaputok.

Ilang saglit pang nakipagbarilan ang nakababatang shooter hanggang sa masapul siya ng bala ng mga awtoridad at nadakip.

Dito na nakukuha ng tiyempo ang mga awtoridad pati na rin ang mga galit na sibilyan para sumugod.

Namatay ang nakatatandang shooter habang kritikal ang kaniyang anak.

Kasama sa 15 biktimang nasawi ay isang bata na 10-taong-gulang, at isang 87-anyos na Holocaust survivor.

Ayon sa pulisya, ang gunmen ay ang mag-ama na sina Sajid Akram, 50-anyos at Indian national, at Naveed Akram, 24-anyos at isang Indian-Australian.

Nakuha mula sa kanilang sasakyan ang ilang pampasabog at dalawang homemade na ISIS flags.

Bago ang pag-atake sa Australia, natuklasang nagtungo muna sila sa Pilipinas.

“Both reported Davao as their final destination. They left the country on Nov. 28, 2025 on a connecting flight from Davao to Manila, with Sydney as their final destination,” sabi ni Bureau of Immigration spokesperson Dana Sandoval.

Wala pang kumpirmasyon kung may kinalaman ang mga shooter sa terror groups sa Pilipinas.

“The Bureau of Immigration confirms their visit to the country, however, it is not conclusive on the claims that both suspects are linked to any terrorist group and received training here in our country,” ayon kay Colonel Francel Margareth Padilla, Armed Forces of the Philippines spokesperson.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad ng Australia at Pilipinas tungkol sa pakay ng mga shooter sa Pilipinas, at ang kanilang eksaktong motibo sa mass shooting na dinaluhan ng daan-daang mga Hudyo.

Nagpahayag ang mga lider ng iba’t ibang bansa ng pakikiramay sa mga biktima ng terror attack.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News