Lima ang patay nang manlaban umano sa mga awtoridad ang grupo na sisilbihan ng mga arrest warrant para sa mga kasong pagpatay sa Kacaban, Cotabato.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang engkuwentro nitong Martes sa Lower Paatan.

Ayon kay Cotabato Police Provincial Office spokesperson, Police Lt. James Warren Caang, ang mga operatiba ay kinabibilangan ng puwersa ng Provincial Mobile Force Company, Kabacan Municipal Police Station, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ngunit sa halip na sumama sa mga awtoridad, pinapatukan umano ng mga aarestuhin ang mga awtoridad na nagresulta sa engkuwento.

“It resulted to the death of limang katao. Para maklaro po, itong limang namatay is doon sa subject ng warrant of arrest kasi nung i-serve na yung warrant of arrest, nag-resist itong grupo na ito,” sabi ni Caang.

“Itong mga namatay, suspects din sa nagyaring shooting incidents sa area,” dagdag niya. “Doon naman sa search warrant, apat na subject sa search warrant na may tig-dalawang search warrant. Ibig sabihin, walong search warrant in every target may dalawa violations sa Republic Act 9165 and Republic Act 10591. And doon sa subject ng search warrant isa ang ating nahuli.”

Naaresto sa naturang operasyon ang isang babae para sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591). –FRJ GMA Integrated News