Ibinalita kamakailan ng isang propesor na natuklasan niya sa Belgium ang kopya ng isang pelikulang likha ng “Ama ng Pelikulang Pilipino” na si Jose Nepomuceno noong 1936, na isang taon ang tanda o luma kaysa pelikulang “Zamboanga” na pinagbidahan ni Fernando Poe Sr. Paano kaya ito napunta sa ibang bansa at paano niya ito nahanap? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing taong 1937 nang ipinalabas ang “Zamboanga” ni Eduardo de Castro sa mga sinehan na pinagbidahan ng ama ni FPS at Rosa del Rosario.
Ngunit nasira at nawala ang orihinal na kopya ng Zamboanga noong sumiklab ang World War II, at itinuring itong “lost media.”
Taong 2004 nang matagpuan sa Library of Congress ng Amerika ng manunulat, mananaliksik at professor na si Nick Deocampo ang kopya ng Zamboanga.
Sa loob ng mahigit dalawang dekada, ang Zamboanga ang itinuring na “oldest surviving pre-war Filipino film.”
Hanggang sa ibalita ni Deocampo, na may isa pa siyang natuklasang kopya ng isa pang lumang pelikulang Pilipino na ginawa noon ding 1930s, na pinamagatang “Diwata ng Karagatan.”
Kuwento ito ng pag-iibig ng magkasintahang sina Jose, ginampanan ng “Greatest Matinee Idol of All Time” na si Rogelio dela Rosa, at si Ligaya, ginampanan ni Mari Velez. Nakatira sila sa isang isla hanggang sa dumating ang dayuhan na si Wong (ginampanan ni Manuel de Caredo), at nagustuhan si Ligaya.
Inalok ni Wong si Ligaya ng maraming regalo, hanggang sa makuha ng dayuhan ang gusto nito mula sa dalaga. Ngunit hindi basta sumuko si Jose at hinabol ang tumakas na si Wong, hanggang sa nagkabalikan sila ni Ligaya.
Kuwento ni Deocampo, nasa Belgium na siya noon pang 90s at nagpunta sa Belgian archive o Cinémathèque royale de Belgique. Tinanong niya ang kaniyang contact doon, na nakapasok kalaunan sa “inner sanctum” ng archive.
“Sabi niya, ‘Uy, mukhang merong pelikula dito, pero hindi sila sure kung 'yun hinahanap mo.’ That's enough for me to buy my own ticket and you know, it can be very expensive. Nang inilatag na 'yung pelikula, tumakbo na ang rolyo, Oh my God, this is it! We have found a treasure. The film is almost immaculate,” paglalarawan ni Deocampo.
Dahil hindi pa digitized ang nag-iisang kopya ng Diwata ng Karagatan, ipinanood ni Deocampo kay Jessica ang video clips lamang na kinuhanan niya sa kaniyang cellphone.
“Nakilala ko kaagad, ang isang batang si Rogelio dela Rosa at itong si Mari Velez. Very masculine ang dating [ni dela Rosa],” ani Deocampo.
Ikinamangha pa ni Deocampo ang paraan ng pagkuha ng eksena sa dagat kung saan namamangka si Jose (Rogelio), dahil hindi lumubog ang bangka kahit na mabigat pa ang camera noong panahong iyon.
Ipinaliwanag ni Deocampo ang kahalagahan ng pagkakatuklas ng Diwata ng Karagatan.
“Kilala ang Pilipinas kasi as one of those na may unang introduction to film. Dito naipalabas as early as 1897 ang pelikula mainly because of our connection with Spain. At mula noon, ang kauna-unahang Pilipino, native-born na filmmaker, si Jose Nepomuceno, he really established the foundations of a Tagalog later to become Filipino cinema,” sabi niya.
“Ang masaklap ay dahil sa World War II, pinulbos ang buong Kamaynilaan ng mga Amerikano dahil sa carpet bombing nila. Ang kolateral doon ang mga pelikula natin. We should have produced around 400 films before World War II. Ilan pa lang ang nahanap natin? Pang-anim itong Diwata ng Karagatan,” dagdag niya.
Dagdag pa ng propesor, hinangaan ng Hollywood kung paano nakunan ng mga Pinoy ang underwater na mga eksena.
Gayunman, ipinagtataka ni Deocampo na hindi buo ang kopya ng Diwata ng Karagatan.
“Inire-edit ang kopyang ito and it only exists for 52 minutes. I totally doubt whether you can just screen 52 minutes during that time kasi established na ang tinatawag na full length film which should run at least 60, 70, 80, or 90 minutes. If it's 100 minutes, saan na ang 50 minutes na nawawala?” sabi niya.
Masaklap pa na binura ang mga pangalan ng direktor na si Carlos Vander Tolosa, Rogelio dela Rosa at ni Marie Velez.
“Ang Philippines hindi pa kilala as a film producing country. Sa French point of view yan, ‘no? Masaklap talaga because the credits did not do any justice to Filipino movie industry at that particular time,” sabi niya.
Sa halip, nilapatan ito ng French voiceover para maintindihan ng French audience ang pelikula. Inaalis din ang mga dialogue sa Pilipino at kinuha lamang ang mga action moment sa pelikula.
“The reason why hindi talaga natin mahanap kasi, for example, ang original title ay ‘Diwata ng Karagatan.’ In English, it can be ‘Nymph of the Sea’ or ‘Goddess of the Sea.’ Pinalitan ito ni Georges Pallu na ang title na ngayon ay ‘Fille Des Iles.’ In other words, Ligaya, ‘Daughter of the Island,’” kuwento niya.
Gayunman, umiwas si Deocampo na sabihing “pinirata” ang gawang Pilipino sa Europe.
“When we talk about piracy, kahit pa legitimate ang pagkabili nila, papalitan mo na ang elemento ng pelikula. You begin to own it. Pati ang naratibo, binali-baliktad. So, ang biggest challenge sa amin ngayon, ano 'yung original narrative niya?,” paliwanag niya.
“‘To a certain point, gusto ko man magalit na, my God naman, binali-baliktad 'yung pelikula namin, heritage namin ‘yan. I cannot have an accusing finger sa kanila kasi pasalamat ka na lang may kopya pa tayo ng the only Jose Nepomuceno film so far na nahanap,” dagdag pa ni Deocampo.
Ayon pa kay Deocampo, wala ni isang pelikula ni Jose Nepomuceno ang nagpreserba matapos ang giyera.
Nakapanayam din ni Deocampo ang anak ni Jose Nepomuceno na si Luis Nepomuceno, na sinabing ang unang pelikulang ginawa ng ama nito ang isang dokumentaryo sa Cebu tungkol sa libing ng asawa ni Osmena.
Mas matanda pa ito sa pelikulang “Dalagang Bukid” noong 1919, na itinuturing kauna-unahang pelikulang Pilipino.
Ngunit binili ang mga pelikulang Pinoy ng French na si Georges Pallu kaya ito napunta sa Europa.
Kalaunan, nakuha ng Belgian Archive ang kopya nila noong 2016 mula sa nagsarang post-production laboratory.
Ipinagmalaki pa ni Deocampo ang 100 film titles na posible pang mahanap, gaya ni Presidente Roxas na nagbibigay ng speech at Manuel Quezon na nagmamando sa Malacanang. – FRJ GMA Integrated News
