Nabawi ng De La Salle University ang korona sa UAAP men’s basketball sa Season 88 matapos talunin ang University of the Philippines, 80-72, sa Game 3 ng finals nitong Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.

Sa kabila ng mga pagsubok—kabilang ang mga injury na tinamo ng mga key player na sina Mason Amos at Kean Baclaan—nanatiling buhay ang kampanya ng Green Archers matapos ang mahahalagang panalo sa ikalawang round laban sa UP at Ateneo de Manila University.

Binura din ng La Salle ang twice-to-beat disadvantage laban sa National University sa Final Four bago tinalo ang UP sa ikalawang pagkakataon sa tatlong Finals matchups upang muling maghari sa UAAP.

Sa Game 1 ng finals, nagpasok ng “tres’ si Jacob Cortez upang isinelyo ang panalo para sa La Salle.

Bumawi naman ang UP sa Game 2 sa pangunguna ni Gerry Abadiano, na nagpasiklab ng late rally upang itulak ang serye sa deciding game.

Ang tagumpay ngayon ay naghatid ng ika-11 titulo para sa La Salle sa UAAP mula nang sumali ito sa liga noong 1986. Dagdag ito sa kanilang listahan ng mga kampeonato noong 1989, 1990, 1998, 1999, 2000, 2001, 2007, 2013, 2016, at 2023.

Sa nakaraang dalawang season, ang dalawang unibersidad ang nagharap sa finals, na Green Archers ang naghari sa Season 86 at ang Fighting Maroons naman ang nagwagi sa Season 87.

BASAHIN: UP vs La Salle: Revisiting their last two UAAP Finals battles

--Justin Kenneth Carandang GMA Integrated News