Iimbestigahan ng Police Regional Office 8 (PRO-8) ang umano’y nangyaring inuman sa loob ng isang police sa Eastern Samar na may isinasagawang Christmas party.

Sa isang pahayag, iginiit ng pamunuan ng PRO 8 na hindi nila kukunsintihin ang maling ginagawa ng kanilang mga kasama sa trabaho.

Malinaw umano ang patakaran ng Philippine National Police (PNP) na bawal ang pag-inom ng alak habang naka-duty, at ang inuman sa loob ng mga pasilidad ng pulisya.

“An immediate investigation is underway to verify the circumstances surrounding the incident and to determine the accountability of the personnel involved. Should the allegations be proven true, appropriate administrative and disciplinary actions will be imposed in accordance with existing laws and PNP policies,” nakasaad sa pahayag.

Kaugnay nito, ikinatuwa ng PRO-8 ang ginawang pag-report ng concerned citizen sa umano’y nangyari sa police station dahil nakatutulong ito para palakasin ang transparency at accountability sa kanilang organisasyon. – FRJ GMA Integrated News