Itinuring person of interest (POI) ang fiancé ng nawawalang bride-to-be sa Quezon City, ayon sa Philippine National Police (PNP). Paglilinaw din ng mga awtoridad, hindi suspek ang turing sa POI.
Sa isang mensahe sa GMA News Online nitong Miyerkules, kinumpirma ni Quezon City Police District (QCPD) Spokesperson Police Major Jennifer Gannaban, na isinama na sa listahan ng person of interest si Mark Arjay Reyes kaugnay ng pagkawala ng kaniyang fiancée na si Sherra de Juan.
Gayunman, nilinaw ni Gannaban na ang pagiging person of interest ni Reyes ay iba sa pagiging isang suspek
“[Person of Interest] po siya pero not necessarily na suspek na. Si Mark kasi ang last na kasama, at fiancée kaya naituring na POI,” paliwanag ng opisyal.
Sa terminolohiya ng pulisya, ang isang POI ay isang taong tinitingnan o kinakausap para sa posibleng impormasyon, ngunit hindi pa itinuturing na sangkot sa krimen. Samantala, ang isang suspek ay pinaghihinalaang may kinalaman sa krimen, na kadalasan ay nauuwi sa pagsasampa ng kaso.
Tiniyak ni Gannaban na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matunton ang nawawalang babae.
“Tuloy-tuloy po ang investigation pa din hanggang sa makakuha po ng lead kung ano talaga ang nangyari kay Ms. Sheera,” dagdag niya.
Nawawala si de Juan mula noong Miyerkules, matapos siyang magpaalam umano kay Reyes na lalabas upang bumili ng sapatos para sa kanilang nalalapit na kasal. Nakatakda sana silang ikasal noong Disyembre 14.
Una rito, sinabi ng QCPD na wala pa rin silang nakikitang indikasyon ng foul play sa pagkawala ni de Juan.
Sinusubaybayan din ng mga awtoridad ang iba pang mga lead mula sa kuha ng CCTV na may nakitang isang babaeng pinaniniwalaang si de Juan na sumakay sa bus sa kahabaan ng Commonwealth Avenue noong Sabado ng umaga — Jiselle Anne C. Casucian/GMA Integrated News

