Abot sa P10 million halaga ng shabu ang natagpuan ng mga pulis sa bahay ni Marawi City Vice Mayor Arafat Salic.
Sa ulat ng GMA News TV Live, pinasok ng mga pulis ang bahay ng vice mayor sa Barangay Kabingan bilang bahagi ng house-to-house search sa siyudad.
Umabot sa dalawang kilo ng shabu ang natagpuan sa bahay ng bise alkalde.
Sa spot check ng pulisya, nakumpirmang high grade ang droga na narekober.
Ayon kay Chief Inspector William Santos ng Philippine National Police Drug Enforcement Group, posibleng taga-suporta si Salic ng Maute group na konektado sa grupong ISIS.
Nakuha rin sa bahay ng bise alkalde ang mga foil na may nakasulat na "I love ISIS."
Ayon kay Santos kilalang drug lord ang bise alkalde na kapatid ni dating Marawi mayor Fajad Salic, na nauna nang naaresto dahil sa kasong rebelyon.
Nitong Biyernes, may nakuha ring P10 million halaga ng shabu sa bahay naman ng dating Marawi mayor at financier umano ng Maute group na si Omar Solitario Ali.
Wala pang pahayag si Vice Mayor Salic tungkol sa insidente. —Jamil Joseph Santos/ALG, GMA News
