Ang batikang aktres na Angelica Panganiban ang sunod na magiging bisita sa ikalawang season ng “Heart World!” ni Heart Evangelista.
Sa teaser clip ng paparating na episode na ibinahagi ng GMA Network, ibinahagi ni Heart ang isang yugto ng kanilang pagkakaibigan, at binalikan ang tensyon noon sa kanila ni Angelica na may kinalaman sa mga naging dating karelasyon ng huli.
Inilahad ni Heart ang matinding pagtutol niya noon sa dalawang naging dating partner ni Angelica, na nakaapekto sa kanilang pagkakaibigan nang panahong iyon.
“‘Yung pinaka-hate ko na jowa mo, dalawa. Una, si [redacted], hate ko siya dahil, tina-try talaga kitang balikan. Tapos, nung ininvite mo ako sa bahay mo, sinabi niya, ‘Bakit mo ininvite?’ Heartbroken ako no’n,” ayon kay Heart.
Ikinuwento rin ni Heart ang isang pangyayari na napunta siya sa mahirap na sitwasyon bilang kaibigan at bilang isang "outsider" sa relasyon.
“First kong hate, siyempre si ano, [redacted]. ‘Yun. My God, hate ko talaga ‘yun kasi, ‘yun talaga, from a distance, naging kaibigan ko ‘yung someone, tapos kaibigan kita, tapos pa-rekindle tayo, tapos pagpasok ko nga doon, hinome tour mo pa ako, pinakita mo ‘yung mga painting, artworks. Eh, siyempre alam ko kung sinong gumawa. So, hindi ko ma-break it to you gently, kasi nga, hindi puwedeng mawala ang friendship,” patuloy niya.
Kalaunan, nauwi ito sa biglaan nilang pagkakalayo.
“Ang ending, that was the last time I saw Angelica. Naramdaman na ng isa na, ‘Magsasalita ‘to.’ Siyempre, kitang-kita ko. Eh, nung time na ‘yun, single pa ako. So, gumigimik ako. So, nakikita ko ‘yung mundo sa labas. Eh, ito hindi gumigimik. So, hate na hate ko siya. Kasi ‘yun talaga, cold turkey. Nawala na lang ako bigla,” dagdag ni Heart.
Nagkasama sina Heart at Angelica sa isang teen-oriented show noong 2002.
Mapapanood ang ikalawang season ng “Heart World” tuwing Sabado, sa ganap na 9:30 pm sa GMA Network. —Carby Rose Basina/FRJ GMA Integrated News

