Inihayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na sapat ang suplay ng krudo ang bansa hanggang sa katapusan ng Hunyo 2026.
''Mayroon na tayong supply of crude oil, sufficient supply, hanggang June 30... tuloy pa rin ang paghahanap natin ng supply,'' sabi ni Marcos sa sidelines ng pagbubukas ng NAIA Expressway Phase II nitong Biyernes.
Ipinaliwanag din ng Pangulo na may pagkakaiba sa presyo ng pag-aangkat ng krudo at finished fuel products. Mas mahal din umano ang refined fuel katulad ng diesel kapag iniangkat.
''At in terms of crude oil supply, dahil pinapasok nila ang crude oil para i-refine dito sa Pilipinas. Iba ang presyuhan kapag nagpasok tayo ng krudo mismo, ng diesel, kaysa sa nagpasok tayo ng crude oil at tayo ang mag-refine,'' saad ni Marcos.
Nauna nang idineklara ni Marcos ang state of national energy emergency noong Marso 24 dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Mayroon umanong humigit-kumulang 45 araw na suplay ng fuel ang administrasyon noong Marso 20, at kumukuha pa ito ng karagdagang 1 milyong bariles ng langis bilang buffer stock.
Kasunod nito, nilagdaan ni Marson ang Executive Order No. 110 habang inaasahang tataas ang presyo ng diesel sa mahigit P130 kada litro at lampas P100 kada litro sa gasolina ngayong linggo.
Inaatasan ng nasabing EO ang Department of Energy na magsagawa ng mga nararapat na hakbang upang mapanatili ang katatagan at sapat na suplay ng enerhiya ng bansa, habang nagpapatuloy ang kaguluhan sa Middle East.
Kamakailan lang, dumating sa bansa ang mahigit 700,000 bariles ng Russian crude oil na kinontrata ng Petron. — Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News
