Dalawa sa tatlong lalaking pinaniniwalang sangkot sa isang insidente ng pamamaril sa isang lalaki ang napatay ng mga awtoridad sa Quezon City. 

Sa ulat ni Steve Dailisan sa "Balitanghali" nitong Huwebes, nagumpisa ang mga kaganapan ng  barilin ng tatlo si Alwyn Padilla kahit nagmamakaawa na ang biktima sa loob ng bahay nito sa Visayas St. sa nabanggit na lungsod.

Ayon sa saksi, si Padilla lang ang pinuntirya ng tatlong salarin at hindi sinaktan ang kapatid nito at isang kaibigan na nasa bahay din.

Matapos isagawa ang krimen, kaagad na tumakas ang mga suspek sakay ng dalawang motorsiklo.

Habang papatakas, natiyempuhan sila ng mga awtoridad na nagsasagawa ng Oplan Sita at hindi umano tumigil nang sitahin.

Nasukol ang dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo sa bahagi ng Lansones St. at doon na umano nagkaroon ng putukan.

Isinugod sa ospital ang dalawang suspek pero 'di na umabot doon ng buhay.

Narekober sa mga napatay ang mga basyo ng bala, mga baril at sachet ng shabu.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek at kung sangkot din sila sa iba pang insidente ng patayan. -- FRJ/KVD, GMA News