Inaresto ang dating professional basketball player na si Mark Cardona sa Bonifacio Global City, Taguig City noong Sabado, Marso 28, 2026 dahil sa umano’y insidente ng pambabastos at pananakit.

Ayon sa police report, isang 21-anyos na babae ang nagsabing “bigla siyang hinawakan sa kamay at hinalikan nang walang pahintulot” ng 44-anyos na si Cardona.

“However, the suspect became aggressive, pushed her boyfriend, and challenged him to a fight. They then approached a bouncer to report the incident, but the suspect continued to act aggressively and even poked the boyfriend’s eyes,” dagdag pa sa ulat.

Nakasaad din sa police report na may ilang kababaihan pa ang lumapit sa biktima at nagsabing nakaranas din sila ng kaparehong insidente mula umano sa dating basketbolista.

Tinulungan ng security personnel ng bar ang biktima at ang kaniyang nobyo at dinala sila sa istasyon ng pulisya upang magsampa ng reklamo.

Ayon kay Police Captain Melvin Garcia, hepe ng Taguig City Police Public Information Office at Investigation and Detection Management Section, sumailalim si Cardona sa inquest proceedings.

Nahaharap si Cordona sa mga reklamong acts of lasciviousness at physical injury.

Kilala si Cardona sa kaniyang paglalaro sa Philippine Basketball Association (PBA, at minsang binansagang “The Captain.” Taong 2016 nang huli siyang maglaro sa naturang liga.

Nasangkot din noon si Cardona sa physical injury case dahil sa pananakit umano sa kanilang live-in partner. Bukod sa reklamong estafa at pagsasangla umano ng isang nakaw na sasakyan.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag si Cardona.— Vince Angelo Ferreras/FRJ GMA Integrated News