Sa harap ng mga puna sa panukalang magkaroon ng ID system para sa mga Muslim, nilinaw ng isang komunidad ng mga Muslim sa Paniqui, Tarlac na sila mismo ang nagpatupad ng programa at hindi ang lokal na pamahalaan.

TALAKAYAN: Makatwiran ba o nagpapakita ng diskriminasyon ang Muslim-only ID system?

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing pinaiiral ng PUMA o Paniqui United Muslim Association ang ID system sa kanilang komunidad sa barangay Estacion.

Paliwanag ni Misangcad Datumaas, presidente ng PUMA, isa sa mga layunin ng ipinatupad nilang ID system ay magkaroon ng ID ang kanilang mga kababayan na magagamit sa anumang bagay kung kailangan ng transaksyon.

"Karamihan ng mga Muslim dito sa Paniqui, yung grupo namin sa Paniqui eh walang ID," paliwanag niya.

Nais rin umano ng grupo na maiwasang mahaluan ng masasamang loob ang kanilang komunidad.

Pero paglilinaw nila, sarili raw nila itong inisyatibo at hindi ng lokal na pamahalaan.

Sabi naman ni Salic Bangadan, miyembro ng PUMA, umaasa sila na makatutulong sa pamahalaan ang kanilang inisyatiba dahil maitataboy nila ang sinumang posibleng may masamang binabalak.

Itinanggi rin ni PNP Region 3 Director Police Chief Superintendent Aaron Aquino, na siya ang may pakana ng ID system para sa mga Muslim.

Si Aquino umano ang itinuro ng grupong Human Rights Watch na nagpanukala ng Muslim ID sa isang dayalogo kamakailan sa mga Muslim leader sa kanilang rehiyon.

Sabi ni Aquino, inisyatibo ito ng isang Muslim community sa Paniqui at pinuri lang niya ang panukala.

Nilinaw din ng PUMA na hindi sapilitan ang pagkuha ng kanilang ID. Katunayan, sa mahigit daw na 400 nilang miyembro, nasa 100 pa lang daw sa kanila ang may ID. -- FRJ, GMA News