Ilang beach sa kahabaan ng silangang baybayin ng Australia ang isinara noong Martes, Enero 20, 2026, matapos ang sunod-sunod na pag-atake ng mga pating.
Ayon sa mga eksperto, ang nangyaring mga pag-atake ay dulot ng mapanganib na kondisyon sa kapaligiran.
Kabilang sa isinara ang mga beach sa Sydney at mga karatig-lugar, kasama ang Port Macquarie. Ginawa ito matapos maiulat ang apat na pag-atake ng pating sa loob lamang ng dalawang araw.
Ayon sa mga awtoridad, nananatiling nasa ospital pero stable na ang kondisyon ng isang surfer na nakagat sa naturang araw. Ang ibang insidente ay kinasangkutan naman ng mga surfer din at mga bata, at kritikal ang kondisyon ng isang biktima.
Paliwanag ng mga eksperto, dahil sa ilang araw na malakas na pag-ulan, nadala sa dagat ang maruming tubig at dumi mula sa imburnal na umakit sa mga maliliit na isda, na mistulang naging pain para sa mga pating gaya ng mga bull shark.
Ayon sa mga opisyal, mananatiling sarado ang lahat ng mga beach sa lugar ng Northern Beaches ng Sydney hanggang sa alisin ang abiso. – mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News

