Labis ang pasasalamat ng 66-anyos na overseas Filipino worker (OFW) sa Qatar matapos siyang matulungan ng pamahalaan ng Pilipinas para makauwi na ng bansa pagkaraan ng mahabang panahon. Aniya, “Kung wala kayo, [baka] hanggang mamatay ako dito pa rin ako sa Qatar. Hindi na ako makauwi.”
Sa pahayag na inilabas ng Department of Migrant Workers, sinabing matagumpay na nakauwi sa bansa ang senior citizen na OFW nitong January 15, sa koordinasyon ng Migrant Workers Office (MWO), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Philippine Embassy sa Doha, Qatar.
Dati umanong nurse ang OFW na hindi na nakauwi sa Pilipinas sa matagal na panahon dahil sa travel restriction nang magkaroon ng nakabinbing kaso.
Pinalala pa ang kaniyang sitwasyon nang magkaroon siya ng karamdaman, edad, at pagkapaso ng kaniyang residence ID, at hindi na makakuha ng trabaho.
Nang pumanaw ang kaniyang asawa noong unang bahagi ng 2025, humingi umano ng tulong ang OFW sa Philippine government agencies sa Qatar.
“Through the Department of Migrant Workers’ AKSYON Fund, she received medical and financial support, as well as legal assistance to help resolve her case and facilitate the lifting of the travel restriction. OWWA Qatar provided her return airfare,” saad sa pahayag.
Idinagdag ng DMW, na nagtulungan ang Assistance-to-Nationals (ATN) teams ng Philippine Embassy at MWO para iproseso ang mga dokumento ng OFW, at pansamantala siyang kinupkop sa Migrant Workers Resource Center (MWRC).
“The successful repatriation underscores the Philippine government’s continued commitment to protecting the welfare of overseas Filipino workers under the One-Country Team Approach,” ayon sa DMW.
Sa kaniyang pag-uwi, inihayag ng OFW ang labis na pasasalamat sa lahat ng tumulong sa kaniya.
“Wala na akong masabi kundi salamat sa lahat ng tulong na ginawa niyo sa akin. Dahil kung wala kayo, hanggang mamatay ako dito pa rin ako sa Qatar, ‘di na ako makauwi,” ayon sa OFW.— FRJ GMA Integrated News

