Dahil sa mga pinagdadaanan noon sa buhay, isang lalaki ang nalulong sa sugal at ilegal na droga. At upang matustusan ang kaniyang bisyo, nagbenta siya ng mga ng ari-arian, kabilang ang ref at kawad ng kuryente. Alamin ang kuwento ng kaniyang pagbangon at kapulutan ng aral.
Sa nakaraang episode ng “i-Listen with Kara David,” ipinakilala si Lisandro Fajardo, na gumamit din ng pangalang “Andy Reyes,” matapos na siyang mapunta sa kalye dahil sa pagkalulong niya sa masamang bisyo, at palayasin siya ng mga kamag-anak.
“Pinatay ko po si Lisandro Fajardo dahil nalaman ko na parang bang puro mali na ‘yung ginagawa ni Lisandro Fajardo,” saad niya nang gamitin na niya ang pangalang Andy Reyes, upang mapagtaguan na rin ang mga pinagkakautangan niya.
Dumaan sa pagsubok si Lisandro, matapos halos magkasabay na mamatay ang kaniyang mga magulang.
“Na-depress po ako. Nagalit sa Panginoon. Dahil, ‘Bakit Niya ginawa ‘yon? Doon na po ako natutong malulong sa droga at sa sugal,” kuwento ni Lisandro na 30-anyos noong mga panahon na iyon.
May anak na person with disability si Lisandro pero hiwalay sa asawa. Kaya pakiramdam niyang tila pinagsakluban siya ng langit at lupa.
“Noong pumasok ako sa pagdodroga, doon na ako natutong magsugal para matustusan ‘yung bisyo,” sabi niya. “Siguro dahil sa mga barkada, naudyok na. Dahil nga nawala na ‘yung pag-iisip ko, dahil galit ako sa Panginoon, sa lahat, sa mundo. Dahil iniwan nila ako. Parang ang tingin ko, nag-iisa na lang ako. Tapos may anak po akong PWD,” patuloy niya.
Natututo si Lisandro na mag-droga dahil sa udyok ng mga kaibigan. Para matustusan ang bisyong droga, pinasok niya ang pagsusugal.
Ngunit dahil sa kaniyang bisyo, unti-unti ring naubos ni Lisandro ang mga ipinamana sa kaniya ng kaniyang mga magulang, kabilang ang P150,000 na pera, na naubos niya sa loob lamang ng halos isang buwan.
“Pati po ang mga gamit ko sa bahay, naubos, binenta ko po. Walang natira. Pati mga TV, ref. Lahat po. Wala ngang natira sa akin,” kuwento niya.
Pati kable ng kuryente, hindi nakaligtas sa kaniya.
“Pati po kuryente ng bahay namin, binenta ko. Tinatanso ko. Dahil sa droga, hindi ko naisip ‘yung anak ko. Wala na kaming kuryente, naputulan na ako. Ibebenta ko para may pangdroga at pangsugal,” paglalahad niya.
Pumupusta umano si Lisandro sa larong basketball sa casino at umaabot ng P5,000 ang kaniyang mga tayaan. Natatalo naman siya sa mga cara y cruz ng halagang P2,000.
Kapag natalo, magdodroga ulit siya at magpupunta ulit sa casino para naman sa slot machine.
“Gusto ko lang makapadroga ako para manalo ulit. ‘Yun na ang pinaka-motive ko. Minsan nananalo, pero hindi ako aayaw dahil ang gusto ko makuha lahat,” paliwanag niya.
Ang pakiramdam niya noon sa kaniyang ginawa, paliwanag ni Lisandro; “Masaya dahil nakakalimutan ko ‘yung problema ko, dahil sa ginawa sa akin ng mundo. ‘Yun ang parang nasa isip ko lagi. Hindi ko inisip ‘yung anak ko, na napabayaan ko siya.”
Hindi niya itinangging kinamuhian na siya ng kaniyang pamilya dahil sa kaniyang mga bisyo.
“Dahil sa akin, nu’ng nangyayari ‘yun, pinalayas na ako sa amin, itinuring na akong patay ng pamilya ko. Masakit man, pero tinanggap ko ‘yun dahil ako lahat ang gumawa. Basta, umalis na daw ako. Magpakalayo-layo na ako,” ani Lisandro.
Tunghayan ang buong panayam ni Kara David kay Lisandro kung sino ang mga taong nagbigay ng pag-asa sa kaniya kaya siya nakawala mula sa kaniyang mga bisyo at nagbago. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News
