Inihayag ng Malacañang ngayong Huwebes na ilang opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ang sinibak matapos matuklasan na nakapag-record pa rin ng content ang Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy habang nakadetine.
“Dahil diyan, marami po ang natanggal. Tatlo po ang natanggal na opisyal ng Immigration dahil diyan at marami pong cellphone ang nakumpiska,” pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa isang briefing.
Sinabi pa ni Castro na patuloy pa ang imbestigasyon para alamin kung sino pang mga opisyal ang nagkaroon ng pagkukulang.
''Pero kung mayroon pa pong iba na maaaring masabi natin na nagkakaroon ng kakulangan ay paiimbestigahan pa po ito at kailangan matanggal ang dapat na matanggal sa posisyon kung mayroong pang-aabuso,'' patuloy ni Castro.
Ayon din kay Castro, ang mga video na kinunan habang nakadetine si Vitaly ay ginawa noong mga unang araw ng kaniyang pagkakaaresto.
Matatandaang inaresto si Vitaly ng mga awtoridad dahil sa umano’y pangbabastos at panggugulo sa mga Pinoy para sa kaniyang content.
Naipa-deport na siya pabalik sa Russia at hindi na papayagang makabalik muli sa Pilipinas.— Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News

