Patay ang isang 50-anyos na lalaki matapos siyang barilin nang malapitan ng suspek sa Barangay Marulas, Valenzuela City. Ang suspek, naghihinala na ang biktima ang nagpakulong sa kaniya.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV na nakatambay sa sakayan ng tricycle ang biktima na may hawak na bisikleta at may kausap.

Hanggang sa dumating ang salarin na may dalang baril at malapitang inasinta at pinaputukan ang biktima. Bumulagta ang biktima sa kalsada sa tama ng bala, habang nagsitakbuhan ang mga tao sa lugar.

Isinugod sa ospital ang biktima pero nasawi rin kalaunan.

Isang 62-anyos na babae ang nadamay matapos tamaan ng bala sa kaliwang binti at dinala rin sa ospital.

“Papunta lamang sa tindahan [yung babae] at mayroon lamang siyang bibilhin nu’ng siya ay tamaan ng bala,” sabi ni Police Captain Robin Santos, chief ng Valenzuela Police SIDMS.

Sinabi ng pulisya na dati nang nakulong ang suspek at biktima dahil sa pagkakasangkot umano sa ilegal na droga.

“May history na pinagdududahan niya na itong nasawing biktima ang nagpahuli sa kaniya.
Ang sabi niya sa biktimang nasawi ay ‘O ano, ipapahuli mo na naman ako? Palagi mo na lang akong pinapahuli,’” sabi ni Santos.

Makalipas ang ilang oras makaraan ang pamamaril, nadakip ang 47-anyos na suspek sa kalapit na bahay kung saan naganap ang krimen.

"Sumabog na po ang galit ko kaya ito ang kinalabasan. Patawad po sa lahat, patawad sa mga nangyari, patawad. Paulit-ulit na lang po eh. Taniman, pambu-bully,” sabi ng suspek na aminado sa nagawang krimen.

Ayon sa pulisya, hindi umano lisensiyado ang baril na ginamit ng suspek sa krimen.

“Pinaghandaan ko po talaga para sa kaniya ‘yun. Sa kaniya pa nga po galing ‘yun eh,” sabi ng suspek.

Mahaharap sa reklamong murder, attempted homicide at illegal possession of firearms ang suspek, na nakakulong sa Valenzuela City Police Station.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News