Inihayag ni Lea Salonga na hiwalay na sila ng kaniyang asawang si Robert Chien.

Ito ang ibinahagi ng Filipina theater actress sa isang media conference ng "Les Miserables World Tour Spectacular" sa Parañaque City nitong Miyerkoles habang pinag-uusapan ang pagpapalaki ng mga anak na may walang kondisyong pagmamahal, ano pa man ang kanilang sexual orientation at gender identity.

Natuklasan ni Nic Chien, anak nina Lea at Robert, na isa siyang transmasculine noong edad 14 pa lamang siya at nagsimulang uminom ng testosterone noong nakaraang taon.

Sa pagtatrabaho ni Nic sa kaniyang acting career, sinabi ni Lea na pareho silang abala.

"But thankful the dad and dad’s partner are the ones... 'pag may sipon ka, 'Here I will send you food. I will make sure you are well,'" sabi ni Lea sa entertainment journalist na si MJ Marfori, na ipinost ng reporter sa kaniyang TikTok account.

"It's not a secret we have been separated for a while. He is happy and I am happy that he is happy,” dagdag ni Lea.

Noong Abril 2025, naging usap-usapan sina Lea at Nic matapos silang lumabas sa cover ng People Magazine at nagsalita tungkol sa kanilang "emotional" na transition journey.

Gumaganap si Nic bilang si Jack sa Manila staging ng "Into the Woods," na pinagbidahan din ni Lea.

Noong Nobyembre, ibinahagi ni Nic ang mga resulta ng kaniyang top surgery at pinasalamatan ang kaniyang mga magulang na sina Lea at Robert sa kanilang suporta. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News