Inihayag ni Jaime Yllana ang kaniyang pagmamahal sa kaniyang ama na si Anjo, na naharap kamakailan sa kontrobersiya.

“‘Yung tatay ko kasi, at the end of the day, he's my dad,” sabi ni Jaime sa isang event, na iniulat sa Kapuso Showbiz News.

Ayon kay Jaime, nasasaksihan niya ang mga hamon na hinaharap ng kaniyang ama, at humingi ng pag-unawa rito.

“Siyempre may trabaho siya at sa bahay, tatay ko talaga siya. So nakikita ko talaga ‘yung pinagdadaanan niya. Alam ko naman, pasensiya po sa lahat, may nagagawa siyang mali. At naiintindihan ko naman na gano'n talaga,” paliwanag niya.

Sa kabila ng lahat, nananaig pa rin ang pagmamahal ni Jaime para sa ama.

“Tatay ko siya, mahal ko siya,” saad ni Jaime na anak ni Anjo sa dating asawa na si Jacqui Manzano.

Sa isang ulat ng GMANetwork.com, sinabi ni Jaime na parang magkaibigan ang turingan nila ng kaniyang ama.

Nabanggit umano sa ama na kung minsan ay may bagay na hindi na isapubliko at naunawaan naman daw iyon ng ama. —Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News