Hustisya ang hiling ng may-ari ng isang asong Labrador Retriever na pinatay sa palo ng isang vendor matapos na makalabas ng bahay ang kanilang alaga sa Mandaue City.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, sinabing naghain ng reklamo ang may-ari sa asong si “Cooper,” sa Canduman Barangay Hall, laban sa isang vendor na umano’y pumatay sa kanilang alaga sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagpalo ng kahoy.

Lumitaw na nakalabas ng bahay si Cooper noong nakaraang linggo at gumala hanggang sa makarating sa tindahan sa Barangay Canduman. Ikinagalit umano ng vendor ang pag-amoy ng aso sa kahon na nauwi sa paulit-ulit nitong pagpalo kay Cooper na naging sanhi ng kamatayan nito.

Ayon sa opisyal ng barangay, nagkaroon ng pagpupulong nitong Miyerkoles at humingi umano ng paumanhin ang vendor sa may-ari ng aso.

Ngunit ayon kay Chairman Dante Borbajo, desidido ang fur parents ni Cooper na magsampa ng kaso laban sa vendor.

Hindi nagpaunlak ng panayam ang may-ari ng aso pero nagpakita sila ng mga larawan at video kaugnay sa insidente, at kung papaano nilang inalagaan si Cooper.

Bagaman walang kuha ng CCTV camera sa aktuwal ng pagpatay kay Cooper, makikita naman na nakahiga sa gilid ng bangketa ang aso at naglalakad sa kalsada.

Sinabi pa ni Borbajo, na batay sa nakalap nilang impormasyon, may nagsabi umano sa vendor na tuluyan nang patayin ang aso dahil naulol na ito.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang inirereklamo.

Ayon sa may-ari ng aso, hindi agresibo si Cooper at maayos nila itong inalagaan. Kilala rin umano ang mga Labrador Retriever na magandang alaga ng pamilya.

Nagtakda ang barangay ng susunod na pag-uusap ng magkabilang panig. Ayon kay Borbajo, kung hindi magkakaroon ng kasunduan, maglalabas sila ng Certificate to File Action para sa may-ari ng aso kung itutuloy nilang kasuhan ang vendor. – FRJ GMA Integrated News