Ginamit na pagkakataon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ika-26 anibersaryo ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Miyerkules para talakayin ang usapin ng iligal na droga sa mga kulungan.

Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin ni Duterte ang pagpupuslit ng mga mobile phone kaya nagagawa ang transaksyon ng iligal na droga sa mga piitan gaya ng New Bilibid Prison.

“Kaya diyan sa Bilibid, maski ano ang gawin natin, pasok nang pasok pa rin ang mga... and because ang droga bumalik na naman, allegedly about 400 kilos. That's the reason for that shootout with- somebody died there sa Muntinlupa because of this,” sabi ng pangulo habang ipinapakita ang isang mobile phone.

“Ito lang kasi ang kapital and I have to be frank mostly Chinese, ‘pag nakapasok ang cellphone diyan, negosyo talaga. Negosyo iyan. At hanggang ngayon, namatay na iyong iba, nabuhay, at bakit malakas na naman ang droga?” dagdag pa ng pangulo.

Nauna nang itinuro ni Duterte ang kaniyang matinding kritiko na si Senadora Leila De Lima na isa umano sa mga nasa likod ng paglaganap ng iligal na droga sa loob ng Bilibid.

Ang naturang paratang ay itinanggi na ni De Lima, na nakakulong ngayon dahil sa mga kinakaharap na kaso.

Pero sinabi kamakailan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na balik na naman ang narcotics trade sa NBP.

Sinabi rin ni Duterte na may ilang preso sa isang kulungan sa Davao del Norte ang sangkot sa kalakaran ng iligal na droga.

“And would you believe it? Sa tracking namin, pati Davao Penal Colony, may tatlo doong putris ka—nagnenegosyo. Sabagay, patay na. Sabi ko, 'Kawalanghiya nitong...'" anang pangulo.

Ang Davao Penal Colony ang dating tinatawag na Davao Prison and Penal Farm.

Ang BJMP ay isang ahensiyang nasa ilalim ng Department of the Interior and Local Government, at namamahala sa mga kulunga sa lungsod, munisipal, distrito, at panlalawigan.

Ang NBP at Davao Penal Farm ay pinamamahalaan naman ng Bureau of Correction (BuCor), na nasa ilalim ng Department of Justice. -- Jamil Santos/FRJ,  GMA News