Positibong hinalay ang isa sa limang biktima ng masaker sa San Jose del Monte, Bulacan, at lumilitaw na kagagawan ito ng suspek na si Carmelino "Miling" Ibañes, batay umano sa resulta ng DNA test.
Sa pulong balitaan nitong Biyernes sa Camp Olivas sa Pampanga, sinabi ni Bulacan provincial police director Sr. Supt. Romeo Caramat III, na lumalabas din na hindi lang isang tao ang gumawa ng karumal-dumal na krimen.
"Based on findings of forensic exams, talagang itong si Miling, talagang na-consummate niya ang pag-rape kay Estrella [Dizon]," ayon kay Caramat.
Bukod kay Estrella, 28-anyos, patay din sa naturang krimen ang tatlo niyang anak na si Donnie, 11; Ella, 7; at Dexter Jr., 1., at ina niyang si Auring Dizon, 58.
Ayon kay Caramat, nagtugma ang DNA sample sa vaginal swab ni Estrella at DNA sample mula kay Ibañes.
Wala namang nakitang DNA na mula sa ibang tao sa isinagawang eksaminasyon kay Dizon, bagaman nakita rin ang biktima na walang saplot.
Pero paliwanag ni Supt. Fitz Macariola, hepe ng SJDM City police, "It is not penetration alone that will dictate na mayroon rape. Nakita naman po natin ang victims, nakahubad sila. Even the touching of labia or some parts of vagina can be considered rape."
"At this point we cannot say that Auring was not raped. We cannot say for sure din na she was really raped. But the indication that Auring is naked... it could be both of them were raped," dagdag niya.
Sinabi rin ni Macariola na bagaman walang nakitang DNA profiles ng mga itinuring "persons of interest" sa pinangyarihan ng krimen, hindi umano nangangahulugan na hindi na sila maaaring ituring suspek.
Tatlo sa apat na "person of interest" ang pinaslang na, habang nawawala naman ang isa pa.
Samantala, batay umano sa crime laboratory technicians, sinabi ni Caramat, na iisang patalim ang ginamit sa pagpatay sa apat na biktima, habang ibang patalim naman ang ginamit sa isa pang biktima na si Donnie.
"Meaning to say, two or more ang nag-perpetrate ng krimen dahil ang na-recover na knife, apat lang po na DNA profile ang nag-match. Nag-negative doon sa isang victim na 11 years old, si Donnie. Meaning to say, ibang knife ang ginamit kay Donnie," paliwanag niya.
Matatandaan na unang inamin ni Ibañes na mag-isa niyang pinatay ang limang biktima at hinalay ang dalawa. Pero kinalaunan, nagbago ito ng pahayag at sinabing inosente siya sa krimen.
Sinabi naman ni Caramat na bahagi lamang ng proseso ang ginagawa nilang pagsama sa padre de pamilya ng mga biktima na si Dexter Carlos, sa kanilang mga iniimbestigahan.
"It is a standard operating procedure that the person who discovered the crime should be investigated and questioned," anang opisyal. ""Pero malayo sa katotohanan na itong si Dexter Carlos ay magiging suspect. We just want to put it on record para ma-establish ang kinaroroonan niya when the crime was perpetrated." -- FRJ/KVD/JST, GMA News
