Inilabas na ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory nitong Miyerkules ang resulta ng ginawa nilang awtopsiya sa tama ng bala na tinamo ng 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos. Ang resulta, may kaibahan sa unang inanunsyo sa hiwalay na awtopsiya na ginawa naman ng forensic consultant ng Public Attorney's Office.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Dr. Jane Monzon, PNP Crime Lab medico-legal officer, na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo si Delos Santos.

"There are two gunshot wounds sa ulo, sa tenga at sa likod ng tenga. Both lumabas o nag-exit. Left ang entry, right ang exit," ayon kay Monzon.

Idinagdag niya na walang tinamong tama ng bala sa katawan si Kian.

Ipinapalagay din ni Monzon na nasa mahigit 60 centimeters ang layo ni Kian mula sa dulo ng baril.

"I assume malayo siya kasi walang 'soot,' walang 'tattooing,' no stippling or blackening," patungkol sa palatandaan ng tama ng bala sa katawan.

Pababa rin umano ang tama ng mga bala, dagdag pa ni Monzon.

"Slightly downward yung first gunshot wound and downward din yung second," ayon sa opisyal.

Nilinaw din niya na ang resulta ay batay sa isinagawang awtopsiya ni Dr. Jocelyn Cruz ng Northern Police District.

May tama raw sa likod

Nitong Martes, inanunsyo ni Dr. Erwin Erfe, forensic consultant ng PAO, na tatlo ang tinamong tama ng bala ni Delos Santos.

Maliban sa dalawang tama ng bala sa ulo, mayroon din umanong isang tama ng bala sa likod na tinamo ang binatilyo.

"Yung angle niya is very similar doon sa angle of approach nung tama niya sa likod. Kung titingnan mo yung line of sight ng shooter, diretso yung line of sight. Most likely yung shooter ng tama niya sa likod, at saka yung shooter ng tama niya sa likod ng tenga ay iisa lang, and they are in the same position," paliwanag ni Erfe sa ulat ng GMA News "24 Oras."

"Yung pinaka-plausible na scenario doon ay nakasubsob itong biktima at nakatayo yung bumaril. Specifically ang position niya ay nandoon sa paanan ng biktima," dagdag nito.

Hinihinala rin niya na malapitan nang pinaputukan si Kian sa ikatlong tama para siya "tapusin."

"Nung in-estimate namin yung trajectory niya, directly above 90 degrees yung trajectory niya. Meaning yung muzzle of the gun, yung baril ay directly above the head nung biktima. Ang position most likely, is different from the first gunman. Yung huli, at mukhang hindi na gumagalaw, that's the reason why 90 degrees na... mukhang yun na yung pang-'finishing off,'" paliwanag pa ni Erfe.

Sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabi ni Erfe na lumilitaw na "intentional" o sadyang nais patayin si Delos Santos kung pagbabasehan ang mga lumalabas sa paunang imbestigasyon.

"Sa amin po sa forensics ay tinitingan namin ito [na] isang intentional killing," aniya. "Ang ibig sabihin po nun ay kusang pagpatay doon sa biktima. Marami po kasi ng tama niya ay fatal eh, kaya may intensyon na patayin yung biktima."

Hindi naman maipaliwanag si Monzon kung bakit dalawa lang ang sugat na nakita ng PNP Crime Lab kay Delos Santos na iba sa isinagawang awtopsiya ng grupo ni Efre.

“Actually hindi po ako nagbukas [autopsy]. I don’t have any personal knowledge. I did not see ‘yung pictures, I based on the report given by Dra. Cruz. Malinis ‘yung body n'ya e,” ayon kay Monzon.

“I cannot really make any comment on that, how they recognized the wound on the back or any side of the body but based on the report of our medico legal officer, there are only two [gunshot] entry and exit [wounds],” patuloy niya.

Sinabi pa ng opisyal na ang grupo ni Cruz ang unang nagsagawa ng awtopsiya sa katawan ni Delos Santos.

Napag-alaman din na naembalsamo na umano ang katawan ng binatilyo nang gawin ang awtopsiya.

“Nauna po mag-autopsy ang medico-legal officer ng PNP and the state of the body is embalmed na that is why we never got blood or urine samples," paliwanag ni Monzon.

Ipinaliwanag din niya na nagkakaroon na ng limitasyon sa pag-awtopsiya kapag naembalsamo na ang katawan.

“‘Yun nga ‘yung problema, if we had this violent death whether gunshot wounds or stabbing, if it’s embalmed maraming limitations kasi sometimes you cannot really recognize kung ano talaga yung entry and exit,” saad niya.

Sinabi ng opisyal na mayroon naman umanong patakaran sa mga PNP-accredited morgues na hindi muna dapat iembalsamo ang katawan ng tao kung hindi pa naaawtopsiya ng police medico legal officers.

Inaasahan na ilalabas ng PNP Crime Laboratory ang iba pang impormasyon tungkol sa isinasagawang pagsusuri sa mga labi ni Delos Santos sa gagawing pagdinig ng Senado sa Huwebes.

Si Delos Santos ay napatay ng mga pulis sa isang operasyon sa Caloocan noong nakaraang linggo matapos umanong manlaban, na itinatanggi naman ng kaniyang mga kaanak at maging ng mga testigo. — FRJ, GMA News