Sinagot ni Ysabel Ortega ang tanong kung nakaramdam ba siya ng pagtatampo matapos mag-solo backpacking trip ang nobyong si Miguel Tanfelix sa South America.
Sa guesting nila ni Sassa Gurl sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, sinabi ng aktres na no hard feelings siya kay Miguel pagdating sa naturang biyahe ng aktor.
“Kasi, umpisa pa lang po nung pagkakakilala ko kay Miguel, alam kong mahilig na talaga siya mag-backpacking. And mostly solo. Solo backpacking talaga ‘yung gusto niya to explore the world,” sabi ni Ysabel.
Ayon kay Ysabel, magkaiba ang dynamics nila ni Miguel kapag magkasama silang nagta-travel, kumpara sa kung mag-isa ang binata.
“Siyempre ‘pag kasama niya ako, may gano'ng factor pa na kailangan pa niya akong isipin. Iba ‘yung dynamic namin ‘pag bumabiyahe kami, at siyempre iba rin pag mag-isa lang siya,” sabi pa ng aktres.
Kinumpirma rin niyang pinahihintulutan nila ang isa’t isa na magkaroon ng space sa kanilang relasyon.
“I'm grateful for that kasi at least kahit na hindi niya ako kasama, hindi naman din niya pinaparamdam na hindi ako kasama sa journey niya traveling. So, ina-update niya ako palagi. Pinapakita niya ‘yung mga pictures niya. Nu’ng nag-Machu Picchu siya, kinuwento niya lahat," dagdag ng dalaga.
Inihayag din ni Ysabel, na may magandang relasyon si Miguel sa kaniyang pamilya.
“They're good. Miguel is very ma-effort when it comes to my family and building a relationship with them. And of course, ‘yun naman din ako. Same naman din ako with his family,” anang Sparkle star.
Taong 2023 nang inihayag nina Ysabel at Miguel na exclusively dating sila. – FRJ GMA Integrated News
