Isang 34-anyos na lalaki ang hindi na umabot ng Pasko matapos siyang bugbugin, hatawin sa ulo ng martilyo at saksakin ng tatlong kapitbahay ng kapatid niya na mga lasing umano sa Barangay Lingunan, Valenzuela City.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabi ni Police Captain Robin Santos, Valenzuela Police SIDMS Chief na dumating sa bahay ng kaniyang kapatid ang biktima para magdiwang ng Noche Buena nang mangyari ang insidente.
“Maya-maya tinawag siya ng ating mga suspek. Paglabas po niya, 'yung isa sa mga suspek natin ay sinuntok siya. 'Yung isa roon may hawak na martilyo at 'yung isa naman ay may hawak na kutsilyo,” sabi ni Santos.
Tinangka pang dalhin sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival.
Ilang minuto bago dumating ang Pasko, nadakip ang tatlong suspek.
“Lahat po sila ang ating mga suspek ay positive po sa alcoholic breath examination. Mayroon na silang dating alitan na kung saan ang ating biktima allegedly ay sinuntok niya 'yung isa sa ating mga suspek,” sabi ni Santos.
Nahaharap sa reklamong murder ang mga suspek, na sa piitan na ng Valenzuela Police nag-Pasko.
Tumangging magbigay ng kanilang panig ang mga suspek. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
