Nagulat ang mga pulis nang malaman nila na tatlong bata na edad 8, 11 at 12 ang sakay sa hinabol nilang kotse na kinarnap umano sa Ohio, USA. Ang mga bata, natuto umanong tumangay ng sasakyan sa pamamagitan ng panonood ng online videos.
Sa video na ipinakita sa GMA Integrated Newsfeed, nakasaad na ilang metro na hinabol ng Newburgh Heights Police, ang isang kotseng puti matapos silang maalerto sa tulong ng Flock Safety license plate reader.
Sinubukan umano ng mga pulis na harangin ang kotse pero bigla itong humarurot kaya nagkaroon ng habulan. Hanggang sa bumangga ang kotse sa gilid ng isang bahay at nagpulasan ang mga sakay nito.
At nang makorner ang mga “suspek,” tumambad sa kanila ang tatlong bata na nagmamakaawa na huwag silang sasaktan.
Ang isa, nakiusap sa mga pulis na tawagan ang kaniyang ina.
Maayos naman silang kinausap ng mga pulis at tiniyak na tatawagan ang kani-kanilang magulang.
Kahit na bumangga ang sasakyan, maayos naman umano ang lagay ng mga bata.
Batay sa imbestigasyon, inihayag umano ng mga bata na natuto silang tumangay ng sasakyan sa pamamagitan ng panonood ng online videos.
Inihayag din umano ng bata na nasa isang tindahan sila nang makita nila ang puting kotse. Ang isa sa kanila, hindi na raw makontrol ang sarili at ninais na makuha ang sasakyan.
Dahil sa nakita nila sa online videos, matagumpay nilang napaandar ang sasakyan at kanila itong tinangay.
Pinakawalan din ang mga bata at ibinigay sa kustodiya ng kanilang mga magulang. Pero sinampahan ng kaso sa juvenile court ang mga batang edad 11 at 12.
Hindi malinaw sa report kung kakasuhan din ang 8-anyos nilang kasama.—FRJ GMA Integrated News
