Bago magpasko, naiuwi na sa kaniyang pamilya sa Jones, Isabela ang mga labi ng overseas Filipino worker (OFW) na nasawi sa sunog sa apartment complex sa Tai Po, Hong Kong noong Nobyembre.

Sa ulat ni Jewel Fernandez sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing  dumating ang mga labi ni Mary Ann Pascual Esteban, 40-anyos, sa Tuguegarao Airport nitong Linggo ng umaga, bago inihatid sa kaniyang tahanan sa Jones, Isabela kinagabihan ng parehong araw.

Nagtrabaho si Esteban bilang domestic helper sa Hong Kong.

Nakatakda pa sanang umuwi noong Disyembre 15 si Esteban upang ipagdiwang ang Pasko kasama ang pamilya, at ang kaniyang 10-taong-gulang na anak.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), patuloy itong nagbibigay ng tulong sa pamilya ni Esteban, lalo na sa kaniyang anak upang makapagpatuloy ito sa pag-aaral.

“Sa DMW, magbibigay kami ng pondo. Ise-secure na ang pondo at sapat para sa pag-aaral ng bata. Nung nandoon ako sa Hong Kong, tatlo hanggang apat na araw pa lang mula nang mangyari ang sunog,” sabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac.

Batay sa mga ulat, umabot sa 169 tao ang nasawi sa naturang sunog, at 79 ang nasugatan.—FRJ GMA Integrated News