Naglabas ng abiso ang embahada ng Pilipinas sa New Zealand laban sa umano’y pagdami ng mga scam website na nagpapanggap na opisyal na facilitators ng Philippine eTravel Declaration Form.

Sa Facebook page ng embahada, nakasaad na nanghihingi umano ng bayad ang mga scam website at kumukuha ng mga personal na impormasyon ng mga sumasagot sa Philippine eTravel Declaration Form.

Giit ng embahada, walang bayad ang pagsagot sa form, at maaaring sa ibang ilegal na gawain ang mga personal na impormasyon na makukuha mula sa mga mabibiktima.

Paalala ng embahada sa mga nagpaplanong pumunta sa New Zealand, tanging sa opisyal na website lamang sumagot sa Philippine eTravel Declaration Form na makikita sa https://etravel.gov.ph/, at tandaan na wala itong bayad.

Kung nais naman makakuha ng gabay sa pagsagot sa form, maaaring panoorin ang opisyal na video tutorial na nasa kanilang official Facebook page.

Sabi pa ng embahada, dapat palaging maging mapanuri at mapagmatyag laban sa online scammer upang hindi maging biktima. – FRJ GMA Integrated News