Sa halip na maging bigayan at pagmamahalan, naging takbuhan para sa ilang sakristan ang Pasko matapos silang habulin at harangin ng baka at kambing habang nagsasagawa ng “Peace Be with You” o “Pax Tecum” sa Cebu.

Batay sa impormasyong nakalap ng GMA Regional TV, na iniulat ni Darlene Cay sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood na tila wala sa mood ang baka na humabol sa mga sakristan ng Our Lady of Consolation Parish sa Samboan.

Inililibot lang ng mga sakristan noon ang imahe ng infant Jesus para sa “Pax Tecum” o “Peace Be With You.” Ngunit ang baka, tila ayaw muna ng peace at hinabol ang mga sakristan.

Isa namang kambing ang hindi nagpadaan sa mga sakristan sa bayan ng Daanbantayan.

Matapos ang ilang natanggap na pagsuwag, nakadaan din ang mga alagad ng simbahan.

Sa Malolos, Bulacan naman, tila nag-Christmas truce muna ang tatlong aso at isang pusa.

Mistulang three wise men ang tatlong aso na nakamasid sa kahon na mistulang sabsaban ng bagong panganak na si Muning kasama ang kaniyang mga kuting. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News