Dahil nilalagnat, inasikaso ng isang ginang ang kaniyang mister sa Maynila. Pero sa isang iglap, winakasan ng mga armadong lalaki ang buhay ng lalaki matapos pasukin ang kanilang barong-barong pinagbabaril ang biktima.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabi ni Melinda Bergado, kinakasama ng biktimang si Ronaldo Ribulacio, patulog na sila at kinumutan na ang nilalagnat na asawa nang dumating ang mga salarin at pinagbabaril ang biktima sa San Andres Bukid.
Nagmakaawa pa raw ang kaniyang mister pero pinaputukan pa rin ng mga salarin.
"May biglang may kumalampag sa may pinto. Pagtingin namin may lalaki. Sumigaw 'yung asawa ko, 'Sir wag po!' Tapos 'Sir wala naman kaming kasalanan,' sabi ko pong ganu'n. Nu'ng pumutok siya ng isa 'di ko na po alam. Nu'ng magising ako 'yung asawa ko may dugo dito (dibdib)," umiiyak na kuwento ni Bergado.
Nang yakapin niya ang asawa, humihinga pa rin ito pero walang nais na tumulong sa kanila.
"Niyakap ko pa po eh, tapos hinawakan ko humihinga pa eh. Hindi ako tinulungan ng hiningian ko ng tulong," sabi ni Bergado.
Nagtamo ng apat na tama ng bala sa dibdib at ulo si Ronaldo na kaniyang ikinamatay.
May natagpuan naman daw na drug paraphernalia sa biktima.
Pag-amin ni Bergado, gumagamit ang kaniyang kinakasama ng droga pero hindi raw ito nagtutulak at sumuko na dati sa Oplan Tokhang.
"Minsan lang po 'yan gumamit dahil wala po kaming pera," giit niya.
Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng salarin at ang motibo sa pamamaril.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
