Arestado ang limang suspek, kabilang ang dalawang menor de edad, nang magsagawa ng operasyon ang mga pulis sa Quezon City.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa Balitanghali nitong Sabado, makikita sa CCTV ang pagtangay ng lalaki sa isang motorsiklo na pagmamay-ari ng aircon technician na si Marvin Eliscopides.
"Pinarada ko ng 9:30 ng gabi, Linggo, August 20. Nung bumaba ako ng Lunes, August 21, wala na po," sabi ni Eliscopides.
Sa tulong ng mga opisyal sa Barangay Commonwealth, narekober ng Quezon City Police District Station 6 ang ninakaw na motorsiklo at isa pang motorsiklong hinihinalang nakaw din, makalipas ang apat na araw.
Matapos nito, nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya sa isang safe house ng isang hinihinalang carnapping syndicate na pinatatakbo ng mga kabataan.
Maliban sa motorsiklo at iba pang spare parts, nakarekober din ng pulisya ang ilang shabu at mga paraphernalia.
Natagpuan din ang .45 pistola at flatscreen TV na parehong may markings ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
"Ang pinagtataka lang namin sa baril, caliber 45, meron siyang tatak ng AFP property, although intentionally, tinanggal na nila 'yung serial number, pero hindi nila nabura yung AFP property," ayon kay Chief Inspector Ferdinand Parinas, deputy Commander ng Quezon City Police District Station 6.
"Sa pagkaka-assess ko lang dito sa mga nakuhang ebidensya is mukhang nakatisod kami ng isang malaking grupo ng carnapper kasi for the past few weeks dito sa area ng Batasan Hills, may reported kaming sunud-sunod na carnapping ng motorsiklo," ayon pa kay Parinas.
Ayon sa QCPD, tsambahan nang mahuli nila ang grupong ito.
"May sinita kami na overloading na isang motor. Imbis na 'yung motor 'yung huminto, humarurot. Ang problema, 'yung isang kasama nila, nahulog. Tinanong namin sa isang kasama nila kung bakit hindi huminto at humaharurot yung kanilang motor. Nasabi nga samin na yung motor eh kinarnap lang nila," ayon kay Julius dela Cruz, Commonwealth barangay executive officer.
Ayon sa isang menor de edad na nahuli ng mga pulis, "palit-bato" ang modus ng kanilang grupo.
Nagnanakaw umano ang mga suspek ng motor upang may matustusan ang kanilang paggamit ng shabu.
"Ginagawa po nitong katabi ko, nagsu-swap ng motor sa drugs para makapag-shabu lang," ayon sa menor de edad.
Tinanggi naman ito ni Danny Ikalner, kasama niyang suspek.
Itinanggi rin ng dalawa pang nasa hustong edad na sangkot daw sila sa palit-bato modus, at sinabing drug user lang sila. —Jamil Santos/ALG, GMA News
