Sa pangambang baka makasakit pa, itinali at ikinulong ng mga kamag-anak ang dalawang magkapatid na may diperensiya raw sa pag-iisip sa Barangay Dumpay, Basista, Pangasinan.
Sa ulat ni Alfie Tulagan sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, inihayag ng mga kamag-anak na ilang beses na raw umalis ang magkapatid na kung minsa'y nagwawala pa, kaya tinali nila ang dalawa.
Sinabi pa nilang kapos sila sa pera kaya hindi nila magawang ipatingin ang magkapatid sa mga espesyalista.
"Ipa-ospital ninyo sila para gagaling na po sila, kasi hindi talaga namin kayang alagaan, maliliit pa po kasi yung anak ko sir eh," ayon sa kapatid nilang si Virgie Cabatbat.
Mahigit 10 taon nang nakatali ang 38-anyos na si Angela, hindi niya tunay na pangalan, samantalang pitong taon nang nakakulong ang kapatid niyang si Ronald, 41-anyos, 'di rin tunay na pangalan.
Pinoproblema pa ng mga kaanak ng magkapatid na pumanaw na ang ina ng dalawa, ngunit hindi ito alam nina Angela at Ronald.
Sinabi ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD) office na labag daw sa karapatan ng dalawa ang pagtatali at pagkulong sa kanila.
"Sa batas po natin bawal po kasing tinatali yung may mga ganung kondisyon po kasi po naviviolate po natin yung karapatan po nila," ayon kay Jennica Bustarde, social welfare officer I ng MSWD.
Aakyat daw ang MSWD sa Baguio para ipatingin ang kondisyon ng dalawa, pagkalibing ng namayapang ina ng magkapatid. —Jamil Santos/JST/KVD, GMA News
