Kumakalat ngayon sa social media ang video ng pambabato sa mga dumadaang sasakyan ng ilang menor de edad sa Marcos Highway sa  kalagitnaan ng gabi nitong Lunes. Natuklasan ng GMA News na ilan sa mga bata sa video ang gumagamit ng "solvent."

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras," ipinakita ang video ng isang netizen na nakunan ang mga menor de edad na pinupukol ng putik na may kasamang bato ang mga dumadaang sasakyan.

Pinuntahan ng GMA News nitong Martes ang lugar na nakunan sa video na sakop ng Barangay Mayamot sa Antipolo City.

Ayon sa isang bata, nangyayayari ang pambabato sa mga sasakyan lalo na kung umuulan.

"'Yung mga bato nga po 'yung ginagamit na pambato diyan (kalsada) madalas," pagkumpirma naman ng isang residente na madalas daw sumaway sa mga batang pasaway.

Nakita rin ang tatlong bata na umano'y nasa video na 16-anyos ang pinakamatanda at 11-anyos ang pinakabata.

Ang binatilyo, nakitang may hawak na solvent.

Ayon sa isang menor de edad, may nag-uutos sa kanila na mambabato, at gumagaya na ang iba.

Iginiit naman ng pamunuan ng Barangay Mayamot na hinuhuli nila ang mga bata at dinadala sa social welfare department pero bumabalik din sa lansangan pagkaraan ng isang linggo.

Plano na raw ng barangay na ipatupad ang city wide ordinance na parental responsibility sa mga batang hamog upang ang mga magulang na ang mananagot kapag muling nadakip ang kanilang mga anak.

Sa ilalim ng naturang ordinansa, may multang pera at pagkakakulong na tatlong buwan hanggang isang taon ang magulang ng batang lalabag. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News