Naniniwala ang ama ng 14-anyos na si Reynaldo de Guzman, alyas "Kulot," na mga pulis-Caloocan ang pumatay sa kaniyang anak para hindi makatestigo sa pagkamatay ni Carl Angelo Arnaiz.

"Sa tingin ko nakahuli diyan pulis... pulis Caloocan, hindi ho kayo. Pulis-Caloocan ho ang nakadali diyan. Malamang kaya tinira 'yan [kasi] baka maging testigo," pahayag ni Eduardo Gabriel sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules.

"Pinaghiwalay nila kasi 'yan 'yung huling kasama ng Carl Angelo na 'yan eh," dagdag ng ama.

Nakita ang bangkay ni De Guzman na lumulutang sa sapa sa Purok Gitna sa Barangay San Roque sa Gapan, Nueva Ecija, ilang linggo matapos na huling magkitang buhay kasama si Arnaiz.

Napatay ng mga pulis-Caloocan si Arnaiz noong Agosto 18 matapos na manlaban umano. Bago nito, sinasabing nangholdap ng taxi driver si Arnaiz.

Nakabalit ng packaging tape ang ulo ni De Guzman nang makita at may 30 saksak.

"Bakit po ang anak ko ginanyan niyo? Minasama niyo... walang kalaban-laban. Tinadtad niyo ng saksak. Sana man po kung sino man pumatay sa kanya, bigyan niyo ng hustisya," tanong ng ina ni De Guzman na si aling Lina Gabriel.

Patuloy namang hinahanap ang taxi driver na sinasabing hinoldap ni Arnaiz para alamin ang tunay na nangyari. — FRJ, GMA News