Itinanggi ni Agusan del Sur Governor Santiago Cane Jr. na nakipag-ayos siya sa sinumang abogado-- o kina Atty. Israelito Torreon at Atty. Jimmy Bondoc—upang kumatawan para sa pamilya ng yumaong Ateneo student-athlete na si Rene Baterbonia, na nalunod sa isang aktibidad ng koponan sa Dipaculao, Aurora nitong nakaraang linggo. Gayunman, sinabi ng opisyal na nakausap niya si Torreon.

“I did not arrange for anyone to act as lawyers for the Baterbonias po,” saad ni Cane sa ipinadalang mensahe GMA News Online nitong Huwebes ng gabi.

Ayon sa gobernador, hindi niya personal na kilala sina Torreon at Bondoc, na ngayon ay kumakatawan sa pamilya ng yumaong student-athlete.

“Atty. Torreon called and told me that he’s willing to render his services for the Baterbonias pro bono. I thanked him for volunteering but I did not tell him that I will arrange with the family,” paliwanag ni Cane.

“What I said was it was up to the family who to get as their lawyer should they decide to seek justice in the court,” dagdag niya.

Hindi rin umano niya alam kung papaano nakasama sa usapin si Bondoc.

Nakikipag-ugnayan pa ang GMA News Online kina Torreon at Bondoc para sa kanilang pahayag.

Sa isang press conference noong Miyerkules, tinanong si Rovelyn, ina ni Baterbonia, kung abogado ng pamilya si Bondoc at Torreon.

“Pinadala sila ni governor para kung ano mang mga papeles na papirmahan sa akin, sila ang magbabasa bago ako pumirma,” ani Rovelyn.

Hindi tinukoy ni Rovelyn ang pangalan ng gobernador ngunit nabanggit niya sa isang pulong balitaan na tinulungan sila ng gobernador sa kanilang lalawigan upang makabiyahe patungong Maynila.

Mula sa bayan ng Talacogon sa Agusan del Sur ang pumanaw na si Beterbonia.

Nitong Huwebes, sinabi ni Torreon na tinanggap ng Department of Justice (DOJ) ang kanilang kahilingan para sa isang Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban kay Tab Baldwin, coach ng team.

Kasalukuyang naka-leave si Baldwin, gayundin si team manager na si Epok Quimpo, habang nagsasagawa ng sariling imbestigasyon ang Ateneo de Manila University (AdMU) kaugnay ng pagkamatay ni Baterbonia at foreign student-athlete na si Divine Adili.— FRJ GMA News