Patay na nang matagpuan ang isang 36-anyos na public school teacher sa madamong bahagi ng isang bakanteng lote sa Quinapondan, Eastern Samar.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, sinabing natagpuan ang katawan ng biktimang guro na tinawag na si “Leo,” sa Barangay Alang-Alang.

Ayon sa Quinapondan Municipal Police Station (MPS), lumabas sa awtopsiya sa katawan ng biktima na nagtamo ito ng tatlong saksak.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na huling nakitang buhay si Leo sakay ng motorsiklo na minamaneho ng isang lalaking tinakoy na si “Ryan,” at nakasunod sa kanila ang isang alyas “Rick.”

Nang suriin ng mga awtoridad ang mga mensahe sa social media ng biktima, nakita na nakaplano ang pagkikita ng dalawa bago nakitang patay ang guro.

Pinuntahan ng mga pulis ang bahay ni Ryan na hindi kalayuan sa lugar kung saan nakita ang katawan ng guro. Sa bahay, may nakitang mga bahid ng dugo kaya dinakip ang suspek habang patuloy pa ang imbestigasyon. – FRJ GMA News