Patay ang isang mangingisda, sugatan ang isa pa, at isa rin ang nawawala matapos tamaan ang kanilang grupo ng kidlat sa laot ng Barangay Guis-Guis Talon sa bayan ng Sariaya, Quezon.
Photo by Sariaya MDRRMOSa ulat ng lokal na mga opisyal ng bayan, nangyari ang insidente pasado alas-8 ng gabi noong Miyerkules.
Ayon sa mga opisyal ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ng Sariaya, nasa gitna ng dagat ang mga mangingisda nang tamaan ang mga ito ng kidlat.
Pahayag ng mga naka-survive, umuulan umano sa mga oras na iyon nang biglang tumama ang kidlat at sa lakas nito, tumilapon sila sa tubig mula sa kanilang mga bangka.
Agad na namatay at halos masunog ang buong katawan ng isa sa mga mangingisda na direktang tinamaan ng kidlat.
Sugatan ang isa sa kanila. Ngunit, nang makaakyat na sila sa bangka, napansin nilang nawawala ang isang kasama nila.
Nang makabalik sa pampang ang mga biktima, agad silang inayudahan ng mga tauhan ng MDRRMO at agad na isinugod sa ospital ang sugatan nilang kasama.
Patuloy pa umano ang paghahanap ng isang kasamang nawawala. —Peewee Bacuño/LBG, GMA News

