Patay ang isang 22-anyos na binata matapos siyang pasukin at pagbabarilin sa loob ng kanilang bahay habang nakikipag-inuman sa Caloocan City.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Mark Jessy Cruz, alias "Yakky," ng Barangay Bagong Barrio, na nasawi sa dami ng tinamong tama ng bala sa katawan.

Bago ang pamamaril, nakunan sa closed-circuit-television camera ang mga salarin na nakasakay sa motorsiklo. Bumaba ang isa at naglakad patungo sa bahay ng biktima at isinagawa ang krimen.

Matapos barilin ang biktima, lumabas ang salarin at sumakay sa naghihintay na kasamahang nakamotorsiklo.

Ayon sa ama ni Cruz, walang kinalaman sa droga sa pagkakapaslang sa anak at sa halip ay posibleng mga dati umanong nakaalitan ang nasa likod ng krimen.

"Hindi naman gumagamit ang anak ko. Yung mga barkada niyang binatilyo, nagkaroon ng kairingan sa kanto ng Tirona, Edsa. Pinuntahan po yung anak ko sa bahay namin. Pagpunta po sa anak ko sa pinangyarihan [pamamaril], nagkaroon na ng away," ayon sa ama ng biktima.

Sinabi ng Caloocan Police na malaki raw ang pag-asa na malutas ang krimen dahil kilala ng pamilya ng biktima kung sino ang nag-"set-up" sa biktima sa inuman.

Bukod dito, maaari din umanong makilala ang salarin dahil sa kuha ng CCTV.

"Hindi rin namin makuha 'yung mga bagay-bagay kung hindi kami tutulungan. Gaya niyan, na may roon pala kagalit. Yun ang pagbabasehan natin prior sa pagkuha natin ng full identity ng isang tao," ayon kay Police Senior Supt Jemar Modequillo, hepe ng Caloocan City.

May lead na rin daw ang Caloocan City PNP, batay na rin sa pahayag ng ilang posibleng maging testigo sa kaso. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News