Namatay ang isang bagong silang na sanggol sa Camarines Sur nang isilid umano sa sako ng sariling ina.

Sa ulat ng "Unang Balita", sinabi ng mga kamag-anak na nagulat sila nang manganak ang suspek sa bayan ng Libmanan, pero hindi nila nakita ang kanyang sanggol. 

Nang tanungin umano nila, sinabi ng ina na nasa loob ng sako na nakalagay sa kusina ang bata.

Agad na isinugod sa ospital ang sanggol ng mga kamag-anak ng babae, ngunit hindi na ito umabot na buhay.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek na ina at nahaharap sa kasong infanticide. 

Maayos naman umanong nakausap ng mga taga-Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ina ng sanggol at tila umano dumaraan ito sa "depression."

Napag-alaman din na dati na umanong ipinasok sa mental hospital ang suspek dahil sa "postpartum depression." —LBG, GMA News