Inihayag ni Ate Gay na isa si Heart Evangelista sa mga pangunahing tao na tumulong sa kaniyang laban sa cancer.
Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, sinabi ng stand comedian na si Heart ang tumutulong sa kaniyang pang-araw-araw na gastusin.
"Napakabuti ni Heart," sabi ni Ate Gay. "Si Ma'am Heart, ayun ay nakilala kong may gintong kutsara sa labi."
"Kasi bata palang ako nakikita ko na siya, nag-wo-work ako sa Singing Cooks and Waiters," dagdag niya.
Ang personal assistant ni Heart ang nakipag-ugnayan sa manager ni Allan K upang makontak si Ate Gay, nang isapubliko ng huli ang kaniyang karamdaman.
"Monthly niya po 'ko binibiyayaan," sabi ni Ate Gay.
Inalok din umano siya ni Heart na dalhin sa Singapore para sa pagpapagamot niya.
"Isa 'yon sa mga binigay sa 'kin ni Lord, at napakasuwerte ko na may tumulong sa akin," saad niya. "Mahal ako nila, at marami pa pong iba."
Ikinuwento rin ni Ate Gay na si Chaye Cabal-Revilla ang sumagot sa kaniyang pagpapa-ospital at mga gamot sa Asian Hospital.
"Mula day one, pati hanggang ngayon. Kasi 'yung expensive na immunotherapy sinagot din 'yun, 12 days po 'yun," ayon kay Ate Gay. "Biruin mo, 346,000 isang session at labing-dalawa po 'yon."
Ilan pa sa mga personalidad na tumulong kay Ate Gay ay sina Coco Martin, Jolo Revilla, Mark Lapid, Lito Lapid, at si Allan K, na nagbibigay sa kaniya ng trabaho sa mga comedy bar.
"Nakita ko silang lahat sa panahon na kailangan ko sila, kahit 'di ko hiningi," sabi pa ni Ate Gay. "Kusa silang dumating sa buhay ko, kusa silang nagbigay. 'Yun ang inaano ng puso ko."
Inihayag ni Ate Gay sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” noong Setyembre 2025 na mayroon siyang Stage 4 cancer. Mula noon, sunod-sunod na ang mga biyayang dumating para sa komedyante upang labanan ang sakit.
Noong Nobyembre, sinabi ni Ate Gay na “natapos” na niya sa radiation at chemotherapy. — Nika Roque/FRJ GMA News
