Dalawang lalaki ang arestado sa Barangay Batasan Hills, Quezon City, matapos silang maaktuhan sa operasyon ng iligal na sugal na loteng.
Ayon sa ulat sa GMA News "Balitanghali" ni Mark Zambrano nitong Sabado, napag-alaman ng mga awtoridad ang iligal na gawain matapos base sa isang surveillance footage na kuha ng PNP QC Police District Station 6.
Sa naturang footage, makikita ang isang babae na tila namimili lang sa palengke ng Batasan, ngunit nagpapataya na pala ito ng loteng. May hawak na ballpen ang babae at rota o listahan ng taya.
Dahil dito, nagsagawa ng operasyon ang mga pulis sa Hills Street, Talanay Area C sa nasabing barangay kung saan nahuli sina Arnel Sindao, 46-anyos, at Primo Belen, 72-anyos.
Nakuha sa mga suspek ang isang cellphone, bag na naglalaman ng listahan ng taya, at mahigit P3,300 cash.
"Nagpapataya po. Alam sir, kaso sideline," sabi ni Sindao nang tanungin kung alam ba nitong iligal ang ginagawa niya.
"Walang mapagpilian, pangkain lang," ayon naman kay Belen nang tanungin kung bakit siya nagpapataya sa loteng.
Tinatayang nasa P200 hanggang P400 kada araw ang kinikita ng mga suspek sa loteng, na isang iligal na small time lottery at labag sa batas.
"Ang ipa-file natin sa kanila yung P.D. 1602 as amended siya ng R.A. 9287. Yung mas mataas na penalty dun sa mga tao na gumagawa ng ipinagbabawal na sugal," sinabi ni Senior Inspector Francisco Luceña ng PNP Station 6.
Na-inquest na ang dalawang suspek. — MDM, GMA News
