Gustong bumili ng bagong jersey ng isang lalaking bagong salta sa Metro Manila kaya pinagnakawan niya ang fishball vendor na kumukupkop sa kanya sa Quezon City.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita, arestado nitong Lunes ng gabi si Jonathan Cambal ng mga pulis na tiyempong nagmemeryenda sa labas ng Quezon City Police District Station 4 matapos pagnakawan ang fishball vendor ng halagang P1,500.
Nakita ng mga pulis na sina Police Officers 1 Eric Eslava at Alvin Abello ang komosyon, di kalayuan sa kanilang istasyon, kaya lumapit sila.
Kukuyugin na sana ng mga residente si Cambal at naawat lamang ng dalawang pulis.
Ayon kay Sumabay, agad niyang tinawag ang kanyang mga kapitbahay nang madiskubre niyang nawawala ang P1,500 mula sa kanyang sisidlan.
Agad niyang pinaghinalaan si Cambal.
"Nakita ko siya, sinusungkit na yung damit niya, ngayon, iba yung isip ko. Pagtingin ko sa lagayan ng barya ko, P1,500, wala na. Biglang tumakbo ito (Cambal), hinanap ko. Nung hinabol ko, tinawag ko yung mga kapitbahay ko," ani Sumabay.
Sa pagtakas ni Cambal, nalaglag pa ang ninakaw niyang P1,500.
Nang tanungin kung bakit niya ginawa ang krimen, sinabi ni Cambal na, "May bibilhin lang po ako, jersey po sana."
Nakakulong na sa QCPD Station 4 ang suspek. —Jamil Santos/ALG, GMA News
