Kalunos-lunos ang sinapit ng isang batang limang-taong-gulang dahil sa tinamong mga pasa at bali sa katawan matapos na bugbugin umano ng mag-amang umampon sa kaniya sa Maynila.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, makikita ang kalunos-lunos na sinapit ni "Rainier", hindi niya tunay na pangalan, na puno ng pasa ang kaliwang binti, may bali sa kanan, dislocated ang mga braso at may mga galos at sugat sa mukha.
"Pinalo. Natanggal katawan ko. Maraming [beses]," sabi ng tila nagsusumbong na paslit.
Positibong kinilala ni Rainier ang mag-amang sina Bayani Cortes Sr. at Niño Cortes, na nanakit sa kaniya.
Ang mga mga suspek ay malayong kamag-anak ng bata na kumupkop sa bata matapos maghiwalay ang mga magulang nito.
Nasagip ang bata matapos magsumbong ang ina ni Rainier sa Manila Police District nang malaman ang sinapit ng bata.
"Kawawa naman, nag-iba po yung mukha. dati maputi po, ngayon, hindi na po makita yung mukha niya. Pinahirapan po yung anak ko, parang pinatay na rin po nila yung anak ko sa ginawa po nila," hinanakit ng ina.
Nahuli ang mag-ama sa isinagawang operasyon ng mga pulis.
"Hindi po ako nananakit talaga. Araw-araw po, alam din po ng operator ko kung ano ang ano ko, kasi po sa gabi, lumalabas ako ng umaga hanggang gabi po, tapos wala na. Buong maghapon po nasa manibela po ako," sabi ni Cortes Sr.
Inamin naman ng nakababatang Cortes ang pananakit, pero hindi naman daw malubha ang kanyang ginagawa.
"Napapalo ko po paminsan-minsan pero hindi po grabe. Ilang beses nga po yang nahulog sa hagdan tapos bumababa po iyan sa hagdanan pagka madaling araw," sabi nito.
Muling namang na-confine ang bata sa ospital dahil sa kaniyang kalagayan.
Kasabay ng pagsisisi sa pag-iwan niya sa anak, nais ng ina na ituloy ang reklamo laban sa mag-ama na mahaharap sa reklamong serious physical injuries in relation to child abuse. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
