Nakatakdang maglabas ng bagong single si Ely Buendia na pinamagatang “Ate.” Ito ang unang release ng OPM legend mula nang ilabas ang album na “Method Adaptor” noong 2024.

May pasilip si Ely sa ilalabas niyang awitin sa pamamagitan ng kaniyang entry sa trend na “What were you like in the ’90s?,” na nagbahagi siya ng throwback pictures niya sa isang Instagram Reel.

"'Dad, what were you like in the 90's?' Writing songs. Still am. 'Ate' out March 26. Pre-save now," saad ni Ely sa caption.

 

 

Si Ely ang naging bokalista ng sikat na bandang Eraserheads bago niya itinatag ang Pupil, at kalaunan ay nagpatuloy sa kaniyang solo career.

Ang “Method Adaptor” ang ikalawang solo album ni Ely matapos ang “Wanted: Bedspacer” noong 2000. Naglabas din siya ng “In Love & War” noong 2010, na tampok ang mga singer tulad nina Francis M at Gloc-9.

Binubuo ang album ng 10 track, kabilang ang mga nauna nang inilabas na “Bulaklak sa Buwan” at “Tagpi-Tagping Piraso.”

Bilang selebrasyon sa naturang album, nagsagawa ng concert si Ely sa 123 Block sa Mandaluyong City noong 2024. —Nika Roque/FRJ GMA Integrated News