Patay ang isang 29-anyos na lalaki na umaawat sa away ng ilang kabataan matapos siyang mabaril sa Antipolo, Rizal.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang video ng pagkakagulo ng mga kabataan sa Barangay San Jose, na hinihinalang dahil sa away-magkasintahan, ayon sa chief tanod ng barangay.

Hindi na nasapul sa CCTV pero isang lalaki ang umawat hanggang sa mabaril at mapatay siya.

“Nakita na lang namin ‘yung mga bata, nagsusuntukan. Pinagtutulungan nila ‘yung isang lalaki na siguro mga 15 to 16. Lumapit ‘yung biktima, aawat lang sana. Kaso na-outbalance siya, pagbalik niya, may biglang pumutok. So bumagsak na siya,” sabi ng saksing si alyas “May.”

Dagdag ng saksi sa away, hindi niya nakita kung sino ang bumaril dahil magulo na ng mga sandaling iyon.

Kinagabihan, dinakip ng mga pulisya ang limang sangkot sa gulo, kasama ang ilang menor de edad at isang 20-taong gulang na lalaki.

Hindi narekober ang ginamit na baril sa krimen, habang lumabas sa imbestigasyon na wala sa kanila ang gunman.

Tumangging magbigay ng pahayag ang inarestong 20-anyos na lalaki, pati ang pulisya habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Nanawagan ang nanay ng lalaking napatay ng hustisya.

“Sana ‘yung bumaril sa anak ko sana mahuli na. Sana sumuko ka na kung sino ka man. Maawa ka naman sa anak ko,” sabi ng nanay ng biktima. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News