Nakamit ni Caprice Cayetano ang isa sa kaniyang mga pangarap na mabili ang kaniyang dream car.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, labis ang kasiyahan ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0” Kapuso Big Winner matapos makabili ng sasakyan.
“Masayang-masaya po ako na nakabili na ako ng car na magagamit ko na po sa taping and ‘yung family ko din po maisasakay ko po sa car na ‘yun,” saad ni Caprice.
“Masaya po ako dahil naging reward ko rin po ‘yun para sa sarili ko,” dagdag niya.
Umaasa rin si Caprice na mas makakasama niya ang kaniyang pamilya ngayong Semana Santa, bilang bawi sa panahong ginugol niya sa loob ng Bahay ni Kuya.
“Kasama ko po ‘yung family ko out of town po or out of the country sana. This Holy Week po, gusto sana ng family ko na mag-Bangkok,” pahayag ng young actress.
Ayon sa Sparkle star, marami ang nagbago sa kaniyang buhay matapos ang “PBB,” lalo na sa dami ng pagmamahal na natatanggap niya mula sa kaniyang mga tagahanga.
“Ang nagbago po after ng ‘PBB’ ay mas lumaki po ‘yung pamilya ko dahil ‘yung fans ko, itinuturing ko pong pamilya, kaya masasabi ko po na lumaki ang family ko,” paliwanag niya.
“At nakakatuwa po kasi kapag umaalis kaming mga housemate, nakikita po namin sila. Mga guesting, ang aga-aga, kaya maraming salamat po sa inyong mga effort,” dagdag niya.
Nagtapos ang “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0” noong Pebrero 28 matapos ang apat na buwang pagtakbo.
Sa Big Night, sina Caprice at Kapamilya star na si Lella Ford ang itinanghal na Big Winners. —Nika Roque/FRJ GMA Integrated News
